Friday, February 27, 2015

Ikapitong Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Repleksiyon sa Linggong ito...
         Ang mga tatakbong Supreme Student Government (SSG) para sa susunod na taon ay abalang abala na sa pangangampanya ngayong linggong ito. Kaya naman, ang mga kaklase kong tumakbo ay lagi na lang wala sa klase. Para sa kanilang kaalaman, ibinahagi namin ang mga bagay na aming natutunan sa mga araw na wala sila.
         “Biktima nga ba si Ibarra ng pagkakataon?”
         Iyan ang tanong na iniwan noong nakaraang linggo. Para sa akin oo, biktima lamang siya ng pagkakataon. Nagkataon lang na anak siya ni Don Rafael Ibarra na kina-iinggitan ni Padre Damaso. Sapagkat nag-ugat ang lahat sa ingoi at poot na nararamdaman ni Padre Damaso sa kanyang ama. Siguro kung nagkataon na hindi siya anak ni Don Rafael, malamang hindi siya tinawag na Indyo at hindi hinadlangan ni Padre Damaso ang pag-ibig niya kay Maria Clara.
          Kung sa nagdaang linggo tinalakay namin ang tungkol kay Ibarra bilang mangingibig, mabuting anak at ang mga naging hangarin niya sa kanyang bayan, ngayong linggo, tinalakay namin ang tungkol kay Ibarra at Elias at ang kanilang matatag na pagkakaibigan.Labis ang aking paghanga kay Elias. Napakatunay niyang kaibigan. Sana makatagpo ako ng kaibigang katulad niya.  
            Kinilala namin ang dalawang karakter sa Noli Me Tangere  sa pamamagitan ng isang mock trial. Mahusay ang ipinamalas ng aking mga kaklase sa paganap ng kani-kanilang mga karakter ngunit hindi namin maiwasang matawa sa kanila.
            Upang masukat naman ang aming kaalaman tungkol sa mga araling tinalakay, nagkaroon kami ng pagsusulit.

          

Friday, February 20, 2015

Ikaanim na Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Repleksyon sa Linggong ito...
     Noong nakaraang linggo, natapos na naming i-ulat ang mga kabanata na may kaugnayan kay Crisostomo Ibarra. Ngayong linggong ito,  hinimay namin ang mga mahahalagang pangyayari sa mga kabanatang iyon sa pamamagitan ng pag-uulat. Una ay ang mga reaksiyon ng mga tao sa bayan ng San Diego sa pagdating ni Ibarra galing sa Europa. Pangalawa ay si Crisostomo bilang mangingibig. Pangatlo ay si Crisostomo bilang mabuti at mapagmahal na anak. Panghuli’t pang-apat ay ang mga hangarin ni Crisostomo para sa kanyang bayan at ang mga naging banta nito sa kanyang buhay. Sa tulong ng mga ito, mas nalinawan pa ang bawat isa sa amin sa tunay na nilalaman ng nobelang Noli Me Tangere.
      Noong ika-19 ng Pebrero, wala kaming pasok sapagkat ito ay mahalagang araw ng mga Tsino (Chinese New Year). Kaya naman, ang mga tao lalo na ang TsiNoy o Pilipino na may dugong Tsino ay abalang abala. Laganap din ang mga ibinibenta nila na mga pampaswerte at mga pagkain tulad ng Tikoy.
      Sa huling araw ng linggong ito, binalikan namin ang mga mahahalagang pangyayaring naganap sa Noli Me Tangere. Mula sa unang kabanata hanggang sa dulo.
       Sa kabuuan ng nobela, naantig talaga ako sa kwento nito. Kung susuriin itong mabuti, marami itong mga mahahalagang mensahe at aral na nais ipabatid, sa buhay, sa pamilya, sa bayan at sa buhay pag-ibig.


Saturday, February 14, 2015

Ikalimang Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Repleksyon sa linggong ito…
        Sa wakas, natapos na ring iulat ng bawat pangkat ang mga kabanata ng Noli Me Tangere na naka-atas sa kanila. Naging matagumpay naman ang pag-uulat ng bawat pangkat. Naihatid nila ng maayos ang mensahe ng bawat kabanata sa pamamagitan ng malikhaing pamamaraan. Sa bawat pag-uulat ng mga pangkat, kinakailangan naming kunin ang mahahalagang pangyayari na may kaugnayan kay Crisostomo Ibarra at dahilan kung bakit ito mahalaga.
        Ang aming pangkat ang pinakahuling nag-ulat. Sa aming pag-uulat, may mga estudyanteng galing ibang seksyon/pangkat pumunta sa aming silid upang makinig sa aming pag-uulat.
        Sa pamamagitan ng mga pag-uulat na ito, mas madali naming naunawaan ang kwento ng nobelang isinulat ni Rizal na Noli Me Tangere. Para mas lalo ko itong maunawaan, binasa ko ang buong libro ng Noli ME Tangere dahil ang mga mahahalagang pangyayari lamang na may kaugnayan kay Crisostomo Ibarra ang inulat ng mga pangkat.
        Sa huling araw ng linggong ito, may gawaing binigay ang aming guro
para sa espesyal na araw sa buwan ng Pebrero, ang Araw ng mga Puso, Para sa aming gawain, gagawa kami ng tula sa halip na liham para sa taong mahal o mahalaga sa buhay namin. Upang maging maganda ang presentasyon, nilagyan naming ito ng magaganda at makukulay na disenyo.



Monday, February 9, 2015

Ikaapat na Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Repleksyon sa linggong ito…
        Nais ko lang sanang ibahagi ang aming kasiyahang nadarama noong nagkaroon na kami ng telebisyon (LED TV) sa aming silid-aralan. Kaya naman, tuwang-tuwa kami nang una namin itong gamitin.Bilang parte ng aming aralin, nagpalabas ng mga larawan ang aming guro kung saan inilarawan nito ang mga tauhan ng Noli Me Tangere.
        Bago nagsimula ang pag-uulat ng bawat pangkat ukol sa mga kabanata ng Noli Me Tangere, ipinagpatuloy namin ang talakayan tungkol sa mga katangian ng bawat tauhan ng nobelang isinulat ni Dr. Jose Rizal. Kung ako man ay makapasok sa nobela niya, nais kung tanungin si Sisa kung bakit siya nagpapakamartyr sa asawa niyang mapanakit at pabaya.Naawa kasi ako sa kanya dahil hindi man lang siya lumaban. Nakakalungko isipin na sa panahon ngayon, mayroon pa ring mga babaeng katulad ni Sisa.
         Nabasa ko na ang mga kabanata na inulat ng unang pangkat, kaya naman madali na sa akin upang maunawaan ito, gayundin ang mga iba kong kamag-aral. Dapat bago matapos ang linggong ito, nakapag-ulat na ang dalawang pangkat. Ngunit hindi ito natapos, hanggang ika-10 kabanata lamang dahil hindi sapat ang aming oras. Kaya naman, ipagpapatuloy namin ito sa susunod na linggo.


         

Thursday, February 5, 2015

Ikatlong Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal


Repleksyon sa Linggong ito...
        Bago ko simulan ang pagsasalaysay ng aking repleksyon sa linggong ito, nais ko lamang ipabatid sa mga lumaban sa Regional School Press Conference (RSPC) na galingan nila at nawa’y patnubayan sila n gating Mahal na Panginoon.
        Dalawang araw wala ang mga kamag-aral ko na lumaban sa RSPC kasama rin an gaming guro sa Filipino. Kaya naman si G. Mixto ang pansamantalang humalili sa kanya. Sa loob ng mga araw na iyon, tinalakay namin ang mga tauhan sa nobelang Noli Me Tangere at ang sinisimbolo nila. Inaamin ko na, ngayon ko lamang sila nakilala ng lubusan. Oo, naririnig ko ang mga pangalan nila ngunit hindi ko alam kung sino ba talaga sila at kung ano ang naging kontribusyon nila sa ating kasaysayan.
         Sa pagbabalik ng aming guro, ipinagpatuloy niya ang naiwang aralin ng gurong humalili sa kanya. Kinamusta rin niya ang aming produkto na isang movie trailer at film na pumapatungkol sa Noli Me Tangere. Pinaalala niya rin na ang parade ng mga tauhan ay magaganap sa susunod na Martes, sa kadahilanang hindi maari sa Biyernes sapagkat ang mga babaeng iskawt ay may camping  sa Boso-Boso at isa na ako roon.
          Sa kabilang banda, kung ikukumpara ko ang nobelang Noli Me Tangere sa Florante at Laura, mas naantig ang puso ko sa Noli Me Tangere dahil nilalaman nito. Isa pa, mas madali kong naunawaan ang Noli Me Tangere kaysa Florante at Laura dahil ito’y pasalaysay hindi katulad sa Florante at Laura na patula.