Thursday, March 19, 2015

Opinyon tungkol sa K-12

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal


Patunayan natin
           “Salamat! Hindi kami naabutan,” wika ng ate ko.
           Nalungkot ako sa pagkadeklara ng K-12 Kurikulum dahil ang tagal pa bago kami makapagtapos. Sabi naman ng mga magulang ko na baka magastos daw. Nag-alala talaga ako dahil naabutan kami ng kurikulum na ito.
          Ipinaliwanag at ipinaunawa sa amin ng aming guro ang tungkol sa K-12 kurikulum. Doon ko lang napagtanto na napakaganda pala ng hangarin ng kurikulum na ito. Kaya sumasang-ayon na ako sa bagong kurikulum ng edukasyon ng ating bansa.
          Kung ikukumpara ang kurikulum na ito sa dating kurikulum, napakalaki ng pinagkaiba nila. Para sa akin, mas maganda ang turo sa bagong kurikulum kaysa sa dating kurikulum dahil ang aking kapatid ay nasa ikaapat na taon at may mga aralin na hindi nila napag-aralan noong nasa ikatlong taon siya na pinag-aralan namin. Mas advance ang kurikulum na ito kaysa dati.
         Kapag nakapagtapos na ng Senior High School (grade 11 & 12) ang isang estudyante, maaari ng makapagtrabaho lalo na sa mga estudyanteng hindi kaya makapag-aral ng kolehiyo dahil sa hirap ng buhay. Sa mga mag-aaral naman ng kolehiyo, magagamit nila ang kanilang mga kaalaman at kasanayan na may kaugnay sa kursong kukunin nila. Sa pamamagitan ng ganitong klaseng kurikulum, maiiwasan ang mga taong walang trabaho at tataas ang porsyento ng mga edukadong tao. Kaya naman, nagpapasalamat ako sa ating gobyerno dahil ipinatupad nila ang ganitong sistema ng edukasyon.

        Ngunit sa kabila ng  magandang dulot nito, marami pa ring mga kababayan natin na umaalma. Siguro hindi sila maniniwala hanggat hindi napapatunayan ang magandang dulot nito. Kaya mga kabataan, Tara at patunayan natin na tayo ang pag-asa ng bayan!

Karansan sa Ika-siyam na baitang ^o^

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Masasayang Karanasan at Bagong Kaalaman na Babaunin Magpakailanman
        Napakahalaga ng asignaturang Filipino dahil binibigyang tuon nito ang ating sariling wika at kultura. Kaya nga nang narinig ko sa balita ang planong pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, hindi ako sumang-ayon.Kapag mangyari ito, maraming guro ang mawawalan ng trabaho. Kailangang kailangan natin ang asignaturang ito lalo na ngayon na lumalaganap na ang mga taong tumatangkilik  sa kultura at lenggwahe ng ibang bansa na tila kinakalimutan na ang sariling atin.
        Sa pagtuntong ko ng baitang siyam, napuna ko na walang pinagbago ang mga aralin o mga pinag-aralan namin sa gramatika noong nasa ika-walong baitang pa lamang kami. Paulit-ulit lamang siyang tinatalakay subalit marami pa ring nagkakamali at nalilito. Hindi ko ipagkakaila na isa ako roon.
        Sa unang markahan hanggang ikatlong markahan, puro gramatika ang aming tinalakay. Doon ko naunawaan ang mga tamang paggamit ng mga salita at bantas. Ginagamit nga namin araw-araw ngunit hindi namin napupuna kung ang paggamit ba namin ay tama o mali.
        Florante at Laura ang aming naging talakayan sa ikaapat na baitang noong nasa ika-walong baitang kami. Gumawa rin kami ng isang buong pelikula ng akda na tinlakay. Subalit, sa kasamaang palad hindi kami nagtagumpay na gawin ito ng maayos. Mga baguhan pa lamang kami sa larangan ng pag-arte. Aaminin ko na hindi ako naging epektibo na pinuno ng aming grupo noon sapagkat nanibago ako sa dami ng hinahawakan kong miyembro. Naging malaking aral ito sa akin.
        Ngayon, sa aming  ikaapat na markahan, tinalakay namin ang tungkol sa nobelang Noli Me Tangere. Nasubok ang aming kakayahan sa pag-arte at pag-edit na isang pelikula. Hindi ako marunong mag-edit, kaya hanggang sa pag-arte lamang ako. Ngunit sisikapin kong pag-aralan ito. Sa tulong niya, naunawaan namin ang kabuuan at bawat detalye ng nobela. Sa mga nakaraang baitang, naririnig ko lamang ang mga tauhan sa nobela. Minsan nababanggit ng mga lolo’t lola ko ang tungkol kay Maria Clara pati sa aking Ina. Sa English Next Top Model, may gumanap bilang si Crisostomo Ibarra ngunit hindi ko alam kung sino at anong kwento siya galing. Napapanood ko naman sa telebisiyon ang tungkol sa paghahanap ni Sisa sa mga anak niyang sina Crispin at Basilio ngunit hindi ko sila kilala. Labis ang aking tuwa nang tinalakay namin ito dahil sa wakas nakilala ko na rin sila,  alam ko na ang kwento ng buhay nila at alam ko na rin ang mga tungkuling ginampanan nila sa ating lipunan lalo na sa mga modernong bersiyon nila sa kasalukuyan.
           Masarap…
                  Minsan pagkain,
                  Kadalasan mag-aral.

       Sobrang nakakapagod mag-aral. Pupunta ng paaralan, uupo, makikinig, sasagot sa tanong ng guro, uwian, magpupuyat para sa takdang aralin at magkakagulo dahil sa pangkatang gawain tapos. Nakakasawa laging ganyan. Ngunit kapag iisipin mo, napakasarap maging buhay estudyante. Isang beses lang natin ito mararanasan sa buhay natin. Kung tutuusin, dapat pa nga magpasalamat pa tayo at naranasan natin ang mga bagay na iyon. Sapagkat may ibang tao na hindi naranasan ang pagiging estudyante, maaaring dahil sa hirap ng buhay o nag-asawa ng maaga. Sulitin natin ang mga araw kasama ang mga makukulit na kaklase na minsan walang mga papel at mga maunawain at mapagmahal na mga guro dahil balang araw, hahanap-hanapin natin iyon.

Aking Guro sa Filipino

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal


         Salamat, Nandiyan Ka
             Katahimikan... ganyan kami kapag naririnig na naming ang  kanyang  mga yapak. Hudyat ito na nandiyan na siya, ang aming guro sa Filipino.
         Sumali ako bilang isang manunulat ng The Stentor – Opisyal na Pahayagan ng Paaralan sa wikang Ingles. Doon ko siya unang nakita sapagkat gurong taga-payo siya ng Opisyal na Pahayagan ng Paaralan sa wikang Filipino – Ang Umalohokan. Aaminin ko, nang una ko siyang nakita, ipinagdasal ko na, ‘Sana hindi ko siya maging guro sa baitang siyam’ dahil nangangatog ang mga tuhod ko sa kaniya. Ngunit sa kasamaang palad, naging guro ko siya. Takot na takot ako maging ang iba kong mga kaklase.
         Lahat ng mga masamang impresyon ko sa kaniya ay nabago simula noong araw na nagsalita siya sa harapan. Napatanong ako sa sarili ko, ‘Bakit ko siya pinag-isipan ng ganoon?’ Dapat hindi ko siya hinusgahan agad sapagkat napakahusay niyang magturo. Walang aralin na hindi mo agad maunawaan kapag siya ang nagturo. Hindi niya hahayaang dumako kami sa panibagong aralin hannga’t hindi namin nauunawaan ang isang aralin. Isa pa sa mga hinahangaan kong katangian niya ay ang pagsasalita ng diretsong tagalog at sa klase niya bawal magsalita ng wikang Ingles. Sa ganito niyang katangian, litaw na litaw ang kanyang pagiging makabayan at pagmamahal niya sa ating wika. Kaya naman naging Head siya ng Filipino Department. Nang ibinahagi niya sa amin ang kanyang kwento tungkol sa pagkuha niya ng kurso sa kolehiyo, hindi ako makapaniwala na hindi niya pala unang gusto ang major in Filipino. Hindi talaga kapani-paniwala sapagkat napakahusay niya magturo ng asignaturang Filipino.
        Napakagaling niya ring magbigay ng mga kakaibang gawain upang mas lalo naming maunawaan ang isang aralin. Isa na rito ay ang paggawa ng blog. Unang beses ko pa lang naranasan ang gumawa ng isang blog. Dati gusto magkaroon nito ngunit hindi ako marunong. Mabuti na lang at nandiyan siya at natuto ako. Napakalaking tulong ito lalo na sa aming mga manunulat upang mahasa ang aming kakayahan sa pagsulat.  Natutuwa ako sa kanya sapagkat nakikisabay din siya sa mga uso sa mga kabataan, kumbaga ‘bagets’ siya kaya nakakasundo namin siya. Gayumpaman, mataas pa rin ang respeto namin sa kanya.
        Sa tulong niya, naging disiplinado ang bawat isa sa amin. Tinulungan niya kami na magsalita sa harapan na may buong kumpiyansa sa sarili, mag-ulat ng may paghahanda at pagkamalikhain, unawain ang mga aralin na maaari naming magamit sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, at higit sa lahat, ang pagpapahalagaat pagtangkilik sa sariling atin. Hindi naman ibig sabihin nito na ipinagbabawal ang paghanga sa kultura’t tradisyon ng iba basta huwag lamang kakalimutan kung saan tayo nagmula’t isinilang. Kaya laking pasasalamat ko dahil nandiyan siya.

Sunday, March 15, 2015

Takadang Aralin

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Naging takdang aralin namin ang paglikha ng sariling kwento kung saan lumilitaw ang katangian ni Maria Clara ngunit sa pagkakataong ito gagawin naming siyang malakas na babae.

Ikasiyam na Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal
Repleksiyon sa Linggong ito…
       Katatapos lang n gaming markahang pagsusulit. Siguradong halos lahat ng mga mag-aaral ay kabado sa magiging resulta ng pagsusulit. Gayumpaman, tinalakay pa rin mamin ang araling aming iniwan, ang tungkol kay Sisa at Maria Clara na kilala bilang mga mahihinang babae sa nobela. Sa linggong ito, marami pangkatang Gawain an gaming isinagawa. Una ay an gang pagpapakita ng mga katangian ni Maria Clara nna sumisimbolo bilang babaeng Pilipina. Isinagawa naming ito sa pamamagitan ng isang dula-dulaan. Ipinakita namin ang mga katangian ni bilang anak at kasintahan pati na rin ang kanyang pag-uugali at paraan ng pananamit ni Maria Clara na litaw pa rin hanggang sa kasalukuyang panahon.
       Sa usaping pag-ibig, hindi naming maipagkakailang mga kabataan, sapagkat parte ito ng pagdadalaga at pagbibinata. Isa rin sa aming naging Gawain ay ang paggawa ng isang islogan na pumapatungkol sa pag-ibig.
       Ang mga pangyayari sa buhay ni Maria Clara ay magsisilibing gabay at aral  sa aming mga kabataan lalo na sa usaping pag-ibig.



Friday, March 6, 2015

Ikawalong Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Replesyon sa Linggong ito...
            Hindi maiiwasan ng bawat mag-aaral na makaramdam ng kaba sapagkat sa susunod na linggo na ang pagsusulit/ prelimilinary exam. Kaya naman tinalakay namin ang mga natitirang aralin ng mabilisan.
       Kung noong nakaraang linggo tinalakay naming ang mga pangyayaring may kaugnayan kay Ibarra, ngayong linggong ito, pinagtuunan namin ng pansin ang mga kabanata ng mga tauhan na may kaugnayan kay Ibarra. Una naming tinalakay ay ang taong pinakamalapit kay Ibarra, ang kanyang matalik na kaibigan na hindi siya iniwan kahit anong manyari, si Elias. Labis ang aking aking paghanga sa kanya. Kahit ang pamilya ni Ibarra ang dahilan ng kasawian ng kanyang pamilya, nanaig pa rin ang kanyang pagmamahal sa kanyang kaibigan. At sa kanyang buhay pag-ibig naman, isinantabi niya ang sariling kaligayahan para sa bayan.
       Tinalakay din namin ang dalawang babaeng tauhan sa nobela, ang kasintahan ni Ibarra na si Maria Clara at ang ulirang ina nina Crispin at Basilio na si Sisa.
        Ibang iba na talaga ang mga kababaihan ngayon kaysa noon. Sila Maria Clara at Sisa ay inilalarawan bilang mga mahinang babae at tunay na Pilipina sa nobela. Sa panahon ngayon, bihira na lang ang mga babaeng katulad nila. Ang mga babae ngayon, palaban na at may boses na sa lipunan. Kung ang mga kababaihan noon ay mga koserbatibo pagdating sa kanilang kasuotan, ngayon ay malaya nang makapagsuot ng mga kasuotang nais nila. Marami mang nagbago sa atin, ang bagay lamang na hindi magbabago sa atin ay ang pagmamahal natin sa ating bayan at ang pagiging Pilipino.


Friday, February 27, 2015

Ikapitong Linggo

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda" -Dr. Jose P.Rizal

Repleksiyon sa Linggong ito...
         Ang mga tatakbong Supreme Student Government (SSG) para sa susunod na taon ay abalang abala na sa pangangampanya ngayong linggong ito. Kaya naman, ang mga kaklase kong tumakbo ay lagi na lang wala sa klase. Para sa kanilang kaalaman, ibinahagi namin ang mga bagay na aming natutunan sa mga araw na wala sila.
         “Biktima nga ba si Ibarra ng pagkakataon?”
         Iyan ang tanong na iniwan noong nakaraang linggo. Para sa akin oo, biktima lamang siya ng pagkakataon. Nagkataon lang na anak siya ni Don Rafael Ibarra na kina-iinggitan ni Padre Damaso. Sapagkat nag-ugat ang lahat sa ingoi at poot na nararamdaman ni Padre Damaso sa kanyang ama. Siguro kung nagkataon na hindi siya anak ni Don Rafael, malamang hindi siya tinawag na Indyo at hindi hinadlangan ni Padre Damaso ang pag-ibig niya kay Maria Clara.
          Kung sa nagdaang linggo tinalakay namin ang tungkol kay Ibarra bilang mangingibig, mabuting anak at ang mga naging hangarin niya sa kanyang bayan, ngayong linggo, tinalakay namin ang tungkol kay Ibarra at Elias at ang kanilang matatag na pagkakaibigan.Labis ang aking paghanga kay Elias. Napakatunay niyang kaibigan. Sana makatagpo ako ng kaibigang katulad niya.  
            Kinilala namin ang dalawang karakter sa Noli Me Tangere  sa pamamagitan ng isang mock trial. Mahusay ang ipinamalas ng aking mga kaklase sa paganap ng kani-kanilang mga karakter ngunit hindi namin maiwasang matawa sa kanila.
            Upang masukat naman ang aming kaalaman tungkol sa mga araling tinalakay, nagkaroon kami ng pagsusulit.