Saturday, August 2, 2014

Tulang Naglalarawan

ARALIN   1.3
v Tulang Naglalarawan at Mga Salitang Naglalarawan
v Mga Akda
ð Bahagi ng Tulang Elehiya Para kay Ram
(Ni Pat V. Villafuerte)
ð Ang Pagbabalik           
 (ni Jose Corazon de Jesus)
ð KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan, at Buhay      ng Kinabukasan 
 (ni Pat V. Villafuerte)

ð Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya
(ni Jan Henry M. Choa Jr.)


Bahagi ng Tulang Elehiya Para kay Ram
Ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula’t simula pa’y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi’t sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.
Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw’y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.

Reaksyon
          Inilalarawan ng may akda sa tulang ito ang kalagayan at karansan ng isang batang marahil wala ng pamilya o napabayaan ng mga magulang.
Naawa ako sa bata dahil sa halip na mag-aral siya tulad ng ibang bata, naging isang batang kalye at kinuha ang responsibilidad bilang ama sa kanyang nakababatang kapatid.


KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan,
at Buhay ng Kinabukasan
ni Pat V. Villafuerte

NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,
isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan
gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo
gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak
kaunti man o marami ang mga paang humahakbang
mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.
ang bawat paghakbang ay may mararating.
ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.
hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,
pangamba at panganib
mula pa sa panahon ng kawalang-malay
hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,
digmaan at kasarinlan
at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon
sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo
at tangis ng pamamaalam.
ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.

NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,
binhing nakatanim ang maraming kulturang
nag-uumapaw sa ating diwa
nagbabanyos sa ating damdamin
nag-aakyat sa ating kaluluwa
sinubok ng maraming taon
inalay sa mga bagong sibol ng panahon
anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian
ang kultura’y pinayayabong
nang may halong sigla at tuwa,
nang may kasalong pagsubok at paghamon
kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos
kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon
kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan
kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon
kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay
at pinayaman ng makukulay na karanasan
kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan
ito ang regalo ng kultura
regalo ng kasalukuyan.

BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan
at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
at mananatiling repleksyon ng kabutihan
kulturang gagalang sa mga bata’t matanda
kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan
kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran
kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw
katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan
diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika
magkakapantay sa kalayaan at karapatan
magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa
ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi
ng lahing magiting
ng lahing kapuri-puri
ng lahing marangal.

Reaksyon


             Ang tulang ito ay naglalarawan sa kultura nating mga Pilipino. Noon, bago pa dumating ang mga dayuhang mananakop,tayo ay may sarili ng kultura.Ngayong sa kasalukuyan, matapos tayong sakupin ng mga dayuhan tulad ng mga Kastila, naimpluwensyahan ang ating kultura na patuloy nating pinagyayaman at ginagawa.At sa hinaharap, paano natin mapapanatili ang ating kultura at patuloy itong pagyayamanin hanggang sa susunod na henerasyon.

Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya
ni Jan Henry M. Choa Jr.

Isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa Asya si Sitti Nurhaliza mula sa bansang Malaysia. Nagkamit siya ng iba’t ibang parangal sa pag-awit hindi lamang sa kaniyang bansa kundi maging sa pang-internasyunal na patimpalak. Isa na rito ang titulong “Voice of Asia” nang makamit niya angGrand Prix Champion mula sa Voice of Asia Singing Contest na ginanap sa Almaty, Kazakhstan.
Labing-anim na taong gulang siya nang pumasok sa larangan ng pag-awit.
Dahil sa likas na talento sa pag-awit, narating niya ang rurok ng tagumpay bilang multiple-platinum selling artists sa Malaysia. Sinundan ito ng mga di-mabilang na pagkilala mula sa mga prestihiyosong gawad-parangal tulad ng MTV Asia, Channel V, Anugerah Juara Lagu Malaysia.
Hindi lamang sa pag-awit nakilala si Sitti. Siya rin ay isang manunulat ng awit, record producer, presenter o modelo at mangangalakal. Sa katunayan, siya ay nagmamay-ari ng produktong Ctea, isang tsaa sa Malaysia. Mayroon din siyang sariling production companySitti Nurhaliza Productionna nasa larangan ng entertainment.
Siya rin ay itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensyang tao at pinakamayamang artista sa Malaysia.. Sa kabila ng pagiging sikat at mayaman ay hindi nalilimutan ni Sitti Nurhaliza ang magkawanggawa. Nakikibahagi at nakikiisa siya sa maraming gawaing-kawanggawa sa loob at labas ng Malaysia. Ito ay isa sa maganda niyang katangian. Marunong siyang tumulong sa kaniyang kapuwa bilang pagbabalik-biyaya sa kaniyang mga tinatamasa.

Tunay na ipinagmamalaki si Sitti Nurhaliza ang kaniyang mga kababayan bilang Asyano na may sadyang husay sa pagkanta at may natatanging kontribusyon sa larangan ng musika. Ang kaniyang magandang tinig at mabuting kalooban bilang isang babaeng Muslim na mang-aawit ay isa lamang sa mga katangiang nagugustuhan ng kaniyang mga tagatangkilik. Isang idolo na may ginintuang tinig at ginintuang puso ng Asya.

Reaksyon

        Sa kwentong ito, inilalarawan ang tagumpay ng isang asyano na si Sitti Nurhaliza.  Ako’y lubos na humahanga kay Sitti sapagkat ayon sa mga paglalarawang inilahad sa kwento,siya ay isang napakahusay  at napakamatulungin, na dapat nating tularan. Isa siya sa naging magandang halimbawa sa akin dahil kahit siya ay nagtagumpay at nagkamit ng maramin parangal, hindi niya pa rin nakakalimutang tumulong sa ibang tao.




Tulang Naglalarawan

      Ang tulang naglalarawan ay naglalarawan ng pagpapahalaga o maaaring pagkamuhi ng makata o
may-akda sa isang kalagayan,pook o pangyayari.

Salitang Naglalarawan

        Naglalarawan ng hugis,kulay at anyo ng mga bagay sa ating kapaligiran.Naglalarawan din ito ng katangian,ugali ng isang tao at hayop.Ang mga salitang naglalarawan ay nakapagpapagana ng imahinasyon ng isang tagapakinig o mambasa upang mabuo ang isang malinaw at buong larawan ssa kaniyang isipan
           May mga salitang naglalarawan na may wastong gamit at hindi maaring pagpalitin ang gamit sapagkat nagkakaroon ng ibang kahulugan ang kaisipang nais nitong ihatid.



6 comments:

  1. well explained. thanks, I'm hard up at filipino sometimes.

    ReplyDelete
  2. this helped me in my assignments. :) t h a n k s

    ReplyDelete
  3. Hi! Thank you. You really helped me understand all about these poems. Hope you update more! :)

    ReplyDelete
  4. t h a n k s alot<3

    ReplyDelete