Monday, July 14, 2014

Maikling Kwentong Makabanghay

Aralin 1.1
>>> Maikling Kwentong  Makabanghay  <<<
 >>>Mga Transitional  Devices & Pangatnig <<<
Mga Teksto 
      > Ang Ama
              Isinalin sa Filipino ni Mauro R. Avena
      >Anim na Sabado ng Beyblade
              ni Ferdinand Pisigan Jarin
    

ANG AMA
Salin ni Mauro R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.

Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.

Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.

Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.

Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.

Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.

Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.

Ngayo'y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".

Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.

Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't nagtalo at nanghula ang mga bata.
Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto.

Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman.
Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.

Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.
Reaksiyon
           "Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo" ang maikling kwento na "Ang Ama" ay maihahalintulad sa kasabihang  ito.Aanhin pa ang pagkain kung patay na bibigyan nito. Kung kailan wala na si Mui Mui saka niya naisip lahat ng mali niyang nagawa, "nasa huli talaga ang pagsisi". 
            Sana tuluyan ng magbago and ama at ibubuhos niya na lang sa mga natitira pa niyang anak ang pagmamahal na kailan man hindi niya naipadama kay Mui Mui.
            Sa kwento ito, natutunan ko na, lahat tayo ay nagkakamali, sapagkat hindi natin iyon maiiwasan ngunit maaari tayong humingi ng tawad itama ang ating nagawang pagkakamali.

ni Ferdinand  Pisigan  Jarin

   Unang Sabado ng paglabas niya nang hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling ‘wag kalimutan ang regalo at pagbati ng “Happy Birthday, Rebo!”. Kailangang di niya malimutan ang araw na ito.Dapat pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng Sabado. Maraming-maraming laruan. Stuffed Toys, Mini- Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote Controlled Cars, at higit sa lahat, anSg Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito at marami pang iba sa kaniyang kaarawan. Sa kaniyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw. Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng beyblade kasama ang mga pinsan. Tatlong araw bago dumating ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang dinalaw. Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang beyblade bagamat ayaw niya itong bitiwan sa loob ng kaniyang kamay o di kayay bulsa. Ang nakapagngangalit, unti-unti na namang nalalagas ang kaniyang buhok. Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di na kaya ng kaniyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakadudukot na rin siya ng mga matitigas na butil ng dugo sa loob ng kaniyang gilagid. Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat nang tanungin niya ako ng; “Tay, may peya a?” (Tay, may pera ka?) Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang mayroon itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending kaniyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na mga kendi sa aming kinaupuan. Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa kaniyang muling pagkairita, sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang mascot upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad. Matapos ang pagtatanghal,bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kaniyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak pagsapit ng ikaapat na Sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kaniyang pagsasalita. Kaya kahit nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na helicopter na tumataas at bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y humiga nang humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan. Huling Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Eksaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kaniyang mga mata at pagtirik ng mata,ibinuga niya ang kaniyang huling hininga. Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino. “Sige na, Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.” Ikaanim na Sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling Sabado na masisilayan siya ng mga nagmamahal. Wala na ang beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang magpapaikot at iikot.


Reaksiyon
       Habang binabasa ang maikling kwento na ito, hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako.
Humanga ako sa tatay ni Rebo sapagkat siya ay naging matatag sa kabila ng mga pagsubok .Sobrang nakakalungkot isipin na kahit ipaglaban mo ang taong importantesayo, wala kang magagawa kung siya na mismo ang bumitaw.
       Sa kwentong ito,naging aral sa akin ang pagiging matatag at hindi basta sumusuko Dahil naniniwala ako na walang binigay na pagsubok ang Poong Maykapal na hindi mo kakayanin.
~~~



Ang mga pangatnig at transitional devices ay ginagamit sa paguugnay-
ugnay ng mga pangungusap at sugnay. Sa pamamagitan nito,
napagsusunod natin nang tama ang mga pangyayari sa isang kuwento
ayon sa tamang gamit nito. Pangatnig ang tawag sa mga salitang naguugnay
sa dalawang salita, parirala o sugnay, at transitional devices
naman ang tawag sa mga kataga na nag-uugnay sa pagsusunod-sunod
ng mga pangyayari (naratibo) at paglilista ng mga ideya, pangyayari at

iba pa sa paglalahad.

Mga Pangatnig:
1. subalit - ginagamit lamang kung ang datapwat at ngunit ay ginamit
na sa unahan ng pangungusap.
Mga Halimbawa:
a. Datapwat matalino siya, wala naman siyang kaibigan.
b. Mahal ka niya, subalit hindi niya gaanong naipapakita ito.
c. Marami na akong natutuhan, ngunit tila kulang pa ito.
2. samantala, saka – ginagamit na pantuwang
Mga Halimbawa:
a. Siya ay matalino saka mapagbigay pa.
b. Abala ang lahat, samantalang ikaw ay walang ginagawa.
3. kaya, dahil sa – ginagamit na pananhi
Mga Halimbawa:
a. Kaya hindi natututo ang tao dulot ng kaniyang kapalaluan.
b. Siya’y nagtagumpay dahil sa kaniyang pagsisikap.
Transitional Devices:
1. sa wakas, sa lahat ng ito - panapos
Mga Halimbawa:
a. Sa wakas, natuwa ang ama dahil sa kabaitan ng anak.
b. Sa lahat ng ito, napagtanto ng mga anak na sila’y mahal na
mahal ng kanilang ama.
2. kung gayon – panlinaw
Mga Halimbawa:
a. Malinaw ang paalala ng ina sa kaniya, kung gayon kailangan
niyang pagbutihin ang kaniyang pag-aaral.

7 comments:

  1. ^_^ its help a lot thanks

    ReplyDelete
  2. Thanks! May assignment na akong mapapasa

    ReplyDelete
  3. Salamat, malaking tulong ito sa akin :)

    ReplyDelete
  4. It really helps <3

    ReplyDelete
  5. Ano pa ang example ng makabanghay na kwento?

    ReplyDelete